Maginoo pero medyo bastos

Posts tagged “online love story

November 1 Love Affair (Part 3)

Undas 1994.

“In love ka!” – Ito ang mga salitang naisambulat sa aking pagmumukha ng aking mga pinsan pagkatapos kong isalaysay ang bagay na aking pinagkaka-abalahan sa nakalipas na dalawang Undas. Sabay-sabay ang mga ungas sa pagsigaw ng mga salitang ito kung kaya’t hindi nakapagtatakang mapatingin sa amin ang halos lahat ng mga tao sa buong sementeryo. Pinagpawisan ng malamig ang aking buong katawan dahil sa matinding kahihiyan. Isa ito sa mga sandaling ninais kong bumuka ang lupang aking kinatatayuan at lulunin ako sa isang iglap.

Mabuti na lamang at wala sa kanilang puntod ang babaeng aking tinutukoy. Kapag nagkataon ay hindi ko lubos maisip kung anong klaseng kalokohan ang maaari pang gawin ng mga pinsan kong mga ubod ng bait.

Habang lumilipas ang mga oras ay lalo akong nananabik na muling masilayan ang kanyang angking kagandahan. Isang taon na ang nakararaan kung kaya’t naglalaro sa aking isipan ang mga maaaring ipinagbago ng kanyang itsura. Naisip kong marahil ngayong taon siya ay tumangkad at pumayat, o kaya’y pumuti at kuminis, o kaya’y tumaba at naging bakulaw o kaya’y tinighiyawat at nagmukhang bay*g. May mga pagkakataong bigla na lamang akong napapangiti sa tuwing naiisip ang mga bagay na ito. ‘Pag nahuli ng mga pinsan ko ay alaskado na naman ako.

Dahil sa nangyari noong isang taon, sinigurado ko nang maayos ang aking itsura pagpunta sa sementeryo. Base sa aking tindig at porma, mas nagmukha akong pang-Valentine’s Day kaysa pang-All Saint’s Day. Bulaklak na lamang ang kulang ay kumpletong-kumpleto na. Teka, marami nga palang bulaklak dito sa sementeryo, makakuha nga ng isa.

Naglalakihan na ang mga bolang yari sa natunaw na kandila ang nagagawa ng aking mga pinsan subali’t ako ay wala pa ring nasisimulan. Ayokong madumihan ang aking mga kamay dahil inaasahan kong makakamayan ko na ang babae sa kabilang puntod. Sayang naman ang lotion kung mapapalitan lang ng mga paso at libag. At dahil wala akong bolang kandila, babasagin ko na lang ‘yung kay Tonio mamaya para dumami.

Binabalak ko nang lumapit doon at makipagkilala ngayong araw. Hindi ko maipaliwanag ang kakaibang kaba sa aking dibdib. Alam kong hindi ako dapat kabahan dahil makikipagkilala lang naman ako. Wala naman akong naiisip na masamang pangyayari na maaaring maganap. Mukha namang mababait ang mga tao na nasa kabilang puntod.

Mabilis ang tibok ng aking puso. Mababaw lamang ang aking paghinga. Naninigas ang aking balikat. Nag-iinit ang aking sikmura. Para akong naduduwal ngunit para rin naman akong nagugutom. Konting ihip lang ng hangin ay tumatayo na ang aking mga balahibo. Ano kaya ito? Natatae nga kaya ako?

Lumalamig ang simoy ng hangin at nagbabadya ang isang ulan. Maya-maya’y nagsisiksikan na kami sa ilalim ng malaking puno malapit sa aming kinaroroonan. Tahimik kong pinagmamasdan ang bawat patak ng ulan. Animo’y pilit nitong binubura ang mga pangalang nakaukit sa mga lapida. Nangamatay na ang kaninang ‘di mabilang na nakatirik na mga kandila. Lalong tumitingkad ang kulay ng mga nababasang bulaklak.

Sumasabay sa pag-ulan ang panghihinayang na aking nadarama. Wala akong ibang naririnig kung hindi ang pagtama ng ulan sa lupang kanyang binabagsakan. Maihahalintulad ang ulan sa mga palaso at ang lupa ay ang aking duguang pusong patuloy na sinisibat nito. Kaisa ako ng lupa sa pagdama ng bawat sakit at kirot. Naglalawa sa dugo ang buong paligid na kinatatayuan ko.

Tumila na ang ulan ngunit patuloy pa rin ang aking kalungkutan. Natulog akong nalalasahan ang pait na aking naranasan. Mahirap masadlak sa matinding kabiguan.

(Itutuloy…)


November 1 Love Affair (Part 2)

Undas 1993.

Maganda ang araw na ito. Gumising ako na may malaking ngiti sa aking mga labi at malaking muta sa aking mga mata. Masaya talaga kapag walang pasok sa eskwela. At dahil sa tanghali na akong nagising, hindi na ako nakapag-almusal pa. Masarap na pananghalian na ang tumambad sa aking harapan. May kutob akong magiging kalugud-lugod ang araw na ito. Maraming salamat sa Araw ng mga Patay!

At dahil nakaugalian na namin magsiyesta tuwing hapon, magaalas-tres na bago ako kumilos upang magpunta sa sementeryo. Sa pagmamadali ay hindi ko na namalayan kung anong damit ang nahugot ko mula sa aking tokador.

Maalinsangan tuwing Undas. Tinutuyo ng haring araw ang mga bilad na katawan na nagkalat sa buong kapuluan. ‘Pag kadaka’y ibunubuhos ng mga ulap ang mga naipong luha at pawis kinahapunan. Hindi ko na maaalala ang araw ng Undas na hindi umulan.

Bilang paghahanda, mainam na magdala ng payong at magsuot ng maninipis, maluluwang at kumportableng kasuotan. Hindi na ako nagtataka kung bakit ang naisuot kong t-shirt sa araw na ito ay ang aking intramurals t-shirt. Presko kasi ito sa katawan. At dahil yari ito sa satin, kumikintab ito kapag natatamaan ng sinag ng araw. Lutang na lutang pa ang pagkintab ng t-shirt na ito dahil sa kulay nitong dilaw. At dahil nga intramurals t-shirt ito, ay nagsusumigaw sa harap ang napakalaking pangalan ng aming class section – MALINIS. Akmang-akma ang mga pulang letra sa harapan na tinernuhan pa ng mga pulang collar at piping ng t-shirt. Wala tuloy itong ipinagkaiba sa uniporme ng mga Metro Aide. Henyo ang kaklase kong nakaisip nito. Hindi nakapagtatakang wala siyang syota.

Ilang minuto pa lamang ako sa puntod ng aking lolo ay niyaya na ako ng mga pinsan kong maglibot-libot sa buong sementeryo. Kahit maalinsangan ay patuloy lang kami sa paggagala. Maraming bulaklak ang nagkalat at namumukadkad sa buong sementeryo. Busog na busog ang aming mga mata. Basang-basa ang aming mga kili-kili. Ilang oras din ang lumipas bago namin napagdesisyunan na bumalik na sa puntod ng aming lolo. Sa aming pagbabalik ay nangyari ang ‘di inaasahan.

Mula sa sulok ng aking mga mata ay nasulyapan ko ang isang pamilyar na mukha. Nung una ay inisip ko na baka ang babaeng ito ay aking kaeskwela ngayon o dating kaibigan noong elementarya. Habang tinititigan ko siya ay saka ko napagtanto kung sino siya at tuluyan ng nanumbalik sa aking alaala ang mga pangyayari noong isang taon.

Dali-dali akong umalis sa aking kinaroroonan at nagpaalam sa aking ina at mga pinsan. Sinabi kong uuwi muna ako para tumae. Hindi na sila nagtanong pa. Ngunit nang may kalayuan na ako ay narinig ko ang kanilang paghagikgik na para bang sila ay mga biik sa loob ng kural. Akala niyo ha. Naisip ko kaagad na hindi niya ako maaaring makita sa ganitong kalagayan. Magulo na ang aking buhok, basang-basa na sa pawis ang aking t-shirt, gusot na gusot na ang aking shorts at putikan na ang aking sandals. Nais kong makita niya ako sa aking pinakamaayos na itsura.

Paglabas pa lang sa sementeryo ay sumakay na ako sa jeep upang umuwi sa bahay at magpalit. Nag-shower ako sa loob ng limang minuto. Kinuha ko ang aking paboritong pulang polo at isinuot ang aking dark blue jeans. Inayos ko ang aking buhok at naglagay ng pabango. Pagkasuot ko ng aking itim na rubber shoes ay kaagad na akong bumalik.

Tumungo ako ulit sa sementeryo na puno ng pag-asa at kumpiyansa sa sarili. Ito ang aking araw. Walang kapantay ang kaligayahan na aking nadarama. Naririnig ko sa aking isipan ang mga maliliit na ibong umaawit dahil sa aking kakisigan. Ito ang gabi ng mga gabi.

Gulat na gulat ang aking mga kamag-anak sa aking muling pagdating. Base sa kanilang mga reaksyon ay masasabi kong maaaring nakakita sila ng isang artista o ng isang multo. Ngunit sa isang iglap, ang malaking ngiti sa aking mukha ay biglang napalitan ng tagong pighati. Lumingon ako sa aking kaliwa at pati na rin sa aking kanan. Hindi ko na maaninag ang kanyang maamong mukha at nangungusap na mga mata. Ilang sandali pa ang lumipas bago ko natanggap sa aking sarili na wala na ang dahilan ng lahat ng ito. Hindi ko lubos na maunawaan kung ano ang aking pagkukulang. Kasabay ng pagdilim ng kalangitan ang pagdilim ng aking pag-asang may patutunguhan pa ang lahat ng… kung ano man ang tawag dito.

(Itutuloy…)


November 1 Love Affair (Part 1)

Sa kadahilanan na ako ay lubos na mahiyain simula pa lamang pagkabata, sa bawat araw na nagdaraan ay lalong tumitindi ang aking pananabik na magkaroon ng isang iniirog. Maniniwala ba kayo na kahit na sa pinakahindi romantikong panahon ng taon ay mabibigyan ko ang aking sarili ng pagkakataon na umasang nakatagpo ko na ang babaeng aking mamahalin at magmamahal din sa akin?

Undas 1992.

Ito ang unang taon ko sa high school. Ito rin ang taon ng mga malalaking pagbabago sa aking buhay – bagong paaralan, bagong barkada at bagong bag. Tama, malaki ang aking bag noon. Nabasa mo ba kanina? ‘Di ba sabi ko “malalaking pagbabago”? Needless to say (naks! Cliché!), malaki ang bago kong paaralan at malaki rin ang bago kong barkada. Pero ang pinakamalaking pagbabago sa aking buhay ng mga panahong ito ay ang aking pagtakas mula sa kawalan ng aksyon patungo sa huwarang pagkilos upang makamit ang aking mga hinahangad at inaasam. Kung dati ay kinikimkim ko lang ang aking mga nararamdaman at idinaraan na lang sa pangangarap at imahinasyon ang aking mga napupusuan, ngayon ay handa na akong gumawa ng mga hakbang at sumugal sa laro ng buhay pag-ibig. Masuwerte ako na mayroon akong mga kaibigan na sumusuporta sa akin. Tutal, pare-parehas naman kaming walang mga syota kaya sinu-sino pa nga ba ang magtutulungan? E di kaming mga pogi.

Masaya tuwing Undas. Ironic pero totoo. Dahil walang pasok, magkikita-kita kayo ng mga pinsan mo, magsusugal sa sementeryo, manonood ng nakakatakot na episode ng Magandang Gabi Bayan at siyempre ang pinakamahalaga sa lahat – ang magtirik ng kandila sa libingan ng mga pumanaw na mahal sa buhay at gawing bola ang mga natunaw na kandila tapos magpapalakihan at magyayabangan. Pagkatapos mong paghirapan ang napalaking bola ng tagumpay ay aagawin ito ng isa sa mga inggitero at talunan mong pinsan at ibabagsak sa lupa para mabasag. Gago ka, Tonio. Sana mabasa mo ‘to.

Dahil sa magkakadikit ang mga puntod sa sementeryo, hindi maiiwasan na matanaw mo at mapuna ang mga tao sa mga kalapit na puntod. Sa ‘di kalayuan ay napansin ko ang isang malaking pamilya. Masaya silang nagpapalipas ng oras sa kanilang puntod ngunit hindi kasing ingay at kasing gulo tulad namin. Mula sa pamilyang ito ay nangingibabaw ang isang babaeng nakasuot ng itim na blouse at asul na pantalon. Ang dalagang ito ay maputi, matangkad, payat at maikli ang buhok. Sa kanyang postura ay masasabi kong nasa kolehiyo na ang babaeng ito. Ang pinakakapansin-pansin sa kanya ay ang kanyang mga mata. Medyo may kalakihan ang bilog na bilog niyang mga mata kung kaya’t prominente ito sa kanyang maliit at payat na mukha. Maganda ang mga mata niya ngunit walang mga kislap. Mukhang malungkot ang mga ito sa kabila ng mga ngiti sa kanyang mga maninipis na mga labi. Mula sa aking kinaroroonan ay hindi ko mawari kung may eyeliner ang mga malalalim niyang mga mata. Buong hapon ko siyang sinusulyapan. Naglalaban ang takot at kilig sa aking damdamin. Natatakot akong mahuli niyang nakatingin ako sa kanya ngunit sa isang banda naman ay kinikilig ako sa ideyang magkakatinginan kami bago matapos ang araw na ito.

Maggagabi na pala. Nagdaan na ang isang araw ng kasiyahan at kalokohan. Nag-aagaw na ang liwanag at dilim sa kalangitan. Hudyat na ito para umuwi at manood ng MGB. Hindi kami nagkatinginan tulad ng inaasahan. Malas lang niya at hindi niya nakuha kahit pangalan ko man lamang.

Paalam na, kolehiyala ng Undas 1992.

(Itutuloy…)