Maginoo pero medyo bastos

November 1 Love Affair (Part 6)

Undas 1996.

BLAG!

Isang matinding kalabog ang gumising sa akin. Dahan-dahan akong bumangon at kinapa kung mayroon mang sumasakit sa aking katawan. Mabuti na lang at hindi masyadong mataas ang aking kama kung kaya’t hindi ako masyadong napuruhan sa aking pagkakalaglag.

Nakapagtatakang tahimik na tahimik ang buong paligid at wala man lang kahit na isang imik ang aking narinig pagkatapos ng aking pagkakahulog. Nang magtungo ako sa aming kusina ay saka ko napagtanto ang bilin ni ina na sila’y maagang magpupuntahan sa sementeryo dahil sa pakiusap ng isang kaibigan.

At dahil sa alas-dose na ako nagising, ang natirang almusal ay pinagtiyagaan ko nang kainin bilang pananghalian. Isang malamig at matigas na bangkay na nang abutan ako ang pan de sal. Kahit sinong babae ay hindi na matutuwang kainin ang itlog at hotdog. Tanging bacon na lamang ang makapagpapaligaya ng aking umaga, ngunit maging ito ay wala na. Mabuti na lang at mayroong mainit na tsokolateng makapagpapainit ng aking kumakalam na sikmura.

“Yaya, pengeng hot chocolate,” ang aking sambit.

Sandali lang, wala nga pala akong yaya.

Nabubusog ang aking tiyan at isipan sa pagpapanggap na ako’y isang bilyonaryo habang gumuguhit sa aking lalamunan ang malinis na tubig na nagkukunwaring white wine. Marahan kong hinihiwa ng maliliit ang imported frankfurters at pinipilas-pilas ang amoy mantikilyang croissant. Sumasabay sa aking pagkain ang mga maliliit na ibong nagsisipag-awitan sa labas ng aking kadidilig pa lang na hardin nang biglang nagring ang telepono.

“Iniwan-iwan n’yo tapos ako uutusan n’yo!”

Iyan ang nasabi ko sa sarili ko pagkaraang maibaba ang telepono. Tumawag ang aking ina upang sabihing ihabol ko sa sementeryo ang mga iba pang kandilang naiwan sa may tarangkahan.

Animo’y may mga kadena ang aking mga paa sa bigat nitong dalhin patungong sementeryo. Hindi nakatulong palamigin ang aking ulo ng paliligo ng walang shampoo. Binalak ko pa sanang bumili sa aking suking tindahan ngunit wala akong balak ibilad ang aking basang-basang sexy body na natatakpan lamang ng tuwalyang puti. Baka hindi makapagpigil ang mga kababaihan sa aming lugar at tuluyan na akong hindi makabalik ng buhay.

Habang inis na naglalakad patungo sa aming puntod ay napatingin ako sa isang kakaibang tanawin. Naroroon pa rin ang kanyang simple at matamis na ngiti kasabay ng kislap ng kanyang nangungusap na mga mata. Tumindig ang aking mga balahibo ng makitang ito’y larawan lamang pala. Ang kanyang matamis na ngiti ay nasusuklian ng hinagpis ng kanyang mga kaanak. Habang ang kislap ng kanyang mga mata ay napalitan ng kislap mula sa naglalarong apoy ng dalawang kandila.

Sadyang mapaglaro ang tadhana. Ang dating inaasam-asam na pangalan ngayo’y alam ko na. Nakakatuwang isipin na sa aking paghahangad na makilala siya ay hindi lamang ang petsa ng kanyang kapanganakan ang aking nalaman kung hindi pati na rin ang petsa ng kanyang kamatayan.

Nalungkot ako at nanghinayang para sa isang taong hindi ko kamag-anak o kakilala man lamang.

Nawala na ang dahilan ng kilig tuwing ang Undas ay nagdaraan.

Masarap alalahanin ang mga araw ng aking ligaw-tingin.

Ang aking sumisibol na pag-ibig, hindi ko nakuhang pagyamanin.

 

Sandali lang, nasaan na nga pala si Veronica?

 

WAKAS.